"Alanganin."

Panaginip na lamang ang ideyang, lahat ng gusto nating mangyari, ay mangyayari.

Iba na ang ikot ng ating mundo ngayon. Iba na ang simoy ng hangin. Iba na ang init mula sa sikat ng araw. Iba na ang kulay ng kalangitan. Iba na ang dilim ng gabi.

Iba na ang nakasanayan nating naging ala-ala na lang ng dati.

Walang sigurado, pero pwedeng subukan. Pwedeng alalahanin, pero bawal pahalagahan. Maaari ngang magustuhan, pero di maaaring mahalin. Normal ang malungkot, iba ang usapang masaktan. Iba ang pinaghihirapan sa pinagsisiksikan. Iba ang pagkatuto sa pagkaalam. Iba ang taong nangangailangan sa nanghihingi. Iba ang nasaktan sa nalulungkot. Iba ang mag-isa sa nag-iisa. Iba ang tulong sa pagpagawa.

Alanganin.

Alanganin nang sabihin na ang ating mundo'y "ligtas" pa. Alanganin nang sabihin na "dito ka lang, wag kang aalis." Alanganin na ang oras para kumilos para sa isang magandang kinabukasan para sa sangkatauhan. Alanganin nang sabihin na "magpapahinga na ako." Alanganin na ang salitang "mahal kita." Alanganin na ang mga salitang "may sasabihin ako." Alanganin nang makita mo pa ang taong hinahanap-hanap mo pa. Alanganin nang sabihin ang mga salitang "kaya ko pa." Alanganin nang sabihin natin na "okay lang ako."

Walang sigurado.

Alanganin.

Walang siguradong taong mananatili sa ating buhay.
Walang kasiguraduhang ligtas tayong lahat mula sa kapahamakan.
Walang siguradong tao na mabuti lang ang maidudulot sa'yo.
Walang siguradong tao sa kanyang kasagutan sa buhay; nagkakamali tayong lahat.
Walang sigurado; ang tingin mo, mamahalin ka niya pabalik.

Walang sigurado kasi di natin alam kung ano ang mangyayari sa atin sa bawat araw. Walang kasiguraduhang magigising tayo araw-araw. Walang kasiguraduhang ang mahal mo ngayon ay mamahalin ka pa rin hanggang dulo. Walang kasiguraduhang ligtas ka sa mga landas na tinatahak mo. Walang kasiguraduhang kaya mo ang isang bagay na di mo pa nasusubukan. Walang kasiguraduhang makakauwi ka pa sa bahay niyo tuwing gabi. Walang kasiguraduhang tutulungan ka rin ng mga tinulunga mo kapag ikaw na ang nanghihingi ng tulong. Walang kasiguraduhang magiging kumpleto ang bawat araw mo sa mundo. Walang kasiguraduhang di magbabago ang isang tao.

Mabait, matalino, maganda, gwapo, mahinhin, tahimik, masipag, maalaga. Maraming katangian ang alanganin na sa maraming tao, ang mabait ay naging mapait, ang dating matalino ay umaasa na lamang sa iba ngayon, ang dating maganda; ngayo'y mukha nang maldita, ang dating gwapo ngayo'y inabuso ang grasya mula sa kanyang mga magulang, ang dating mahinhin; ngayo'y tsismosa na, ang dating tahimik; nagpadala na sa sistema, ang dating masipag ay tamad na, ang dating maalaga; ngayo'y wala nang pinahahalagahang kapwa.

Tanggapin na lang siguro natin na ang mundo natin ay alanganin na upang maging tirahan ng sangkatauhan.



'17

Comments

Popular posts from this blog

discombobulated. *2018 year review 👏👏*

My Last Love Letter.

Iskolar ng Bayan.